-- Advertisements --

Inanunsyo ng abogado na si Atty. Levi Baligod, kumakatawan sa 18 nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marines, na magsusumite sila ng panibagong affidavit sa Senate Blue Ribbon Committee na mas kumpleto at mas detalyado.

Dumalo si Baligod sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinangunahan ng Cayetano bloc kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Baligod, may ilang dating miyembro ng dating sundalo na umano’y pinapirma ng National Bureau of Investigation sa kanilang mga affidavit nang hindi pa niya nairerepaso.

“Gagawa kami ng individual affidavit na mas kumpleto,” ani Baligod sa media.

Samantala, nagpahayag din ng reaksyon si Senadora Imee Marcos, na nanawagan ng pag-iingat at patuloy na paglilinaw sa mga lumalabas na alegasyon.

“Lumutang nga. Pero sana manatili silang safe… sana tuluy-tuloy lang. Ipaliwanag natin ang mga nangyayari,” aniya, sabay babala na “ang cover-up ay mas malala kaysa sa krimen.”

Sa hiwalay na pahayag, binigyang-diin naman ni Senadora Loren Legarda ang kahalagahan na magpatuloy ng trabaho sa gitna ng umiiral na tensyon sa loob ng Senado.

“Dapat mag-work,” maikling tugon ni Legarda nang tanungin tungkol sa pagdaraos ng mga pagdinig sa kabila ng sigalot sa liderato.

Patuloy na inaasahan ang karagdagang pagsusumite ng mga dokumento at posibleng pag-amyenda sa mga naunang salaysay habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Cayetano at Gatchalian bloc sa flood control scandal.