-- Advertisements --
Screenshot 2020 08 15 13 54 28

KORONADAL CITY – Hustisya ang panawagan ngayon ng pamilya ng isang binatilyo na binaril-patay ng mga otoridad matapos umanong nanlaban sa isinagawang operasyon sa bahagi ng Tantangan, South Cotabato.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay alyas Christie, tiya ng binatilyo, hindi sila makapaniwalang nanlaban umano ang pamangkin nitong si Cyrus Elyron Pabulare, 16-anyos at residente ng Brgy. Libas ng naturang bayan sa isinagawang drug buybust operation ng mga otoridad sa bahagi ng Brgy. New Iloilo.

Sa salaysay ni Christie, posibleng pumunta ito sa naturang barangay upang sunduin ang kaniyang nobya.

Dagdag nito na overkill ang nangyari sa pagpaslang sa kaniyang pamangkin.

Pinabulaanan rin nitong may dala itong armas nang papunta ito sa nasabing lugar.

Narekober umano ng mga otoridad kay Pabulare ang kalibre 38 na armas kung saan nagtamo ang binatilyo ng 14 na tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Nais ngayon ng pamilya at kaanak ng mga ito ng masusing imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng naturang binatilyo.