Aabot ng hanggang 14,000 OFWs ang maari nang makauwi ng bansa kada linggo sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito ay matapos na sabihin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa virtual hearing ng House Public Accounts Committee na papahintulutan na nila ang araw-araw na pagtanggap sa mga chartered flights ng mga repatriated OFWs.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs Usec. Sarah Lou Arriola na sa kanilang datos ay 167,000 OFWs pa ang stranded sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mas mapapabilis aniya ang pagpapauwi sa mga ito kung 2,000 OFWs ang makakasakay sa chartered flights kada araw.
Sa ngayon kasi, ini-assign din sa kanila ng CAAP na tuwing Lunes, Huwebes at Sabado ang chartered flights dahil ang ibang araw ay para naman sa commercial flights.
Sinabi naman ng CAAP na ang Inter-Agency Task Force (IATF) ang nagtatakda ng cap sa chartered flights na siya namang itinanggi agad ni Labor Sec. Silvestre Bello III na nasa hearing din at myembro ng IATF.
Samantala, umapela si Arriola sa Kamara na tulungan sila na dagdagan ang pondo para sa mga OFWs dahil sa P1 Billion na alokasyon para sa OFW repatriation ay P329 Million na lamang ang natitira.
Napakamahal kasi aniya ang nagagastos nila sa bawat flights na aabot sa P12 hanggang P13 million para lamang sa 350 pasahero.
Sa oras na hindi madadagdagan ang pondong ito ay mawawalan na aniya sila ng magagamit na pera pagsapit ng kalagitnaan ng hulyo hanggang Agosto.










