-- Advertisements --

Nasawi ang isang 13-anyos na Grade 9 student matapos saksakin ng kaniyang 14-anyos na kaklase sa loob ng Las Piñas National High School sa Barangay Daniel Fajardo, Las Piñas City nitong Biyernes ng hapon, Hulyo 31, 2026.

Ayon sa ulat ng Southern Police District (SPD) at pahayag ni Las Piñas acting police chief Fermin Armendarez III, nangyari ang insidente sa harap ng isang silid-aralan sa ikaapat na palapag ng naturang paaralan.

Nagkaroon ng matinding pagtatalo ang dalawang magkaklase habang oras ng kanilang recess. Biglang bumunot ng patalim o kutsilyo ang suspek at sinaksak ang biktima sa kaliwang bahagi ng kaniyang dibdib.

Agad na isinugod ang biktima, na kinilala sa inisyal na “A.D.O.,” sa Las Piñas District Hospital subalit idineklara siyang patay na alas-4:53 ng hapon ng sumuring doktor.

Ang suspek, na kinilala sa inisyal na “M.J.E.” ay itinuturing na isang Child in Conflict with the Law (CICL). Ituturn-over o isasailalim sa pangangalaga ng city social welfare office (CSWD) ang menor de edad na suspek alinsunod sa mga batas para sa mga kabataan.

Sa ngayon, iniimbestigahan ng pulisya ang mas malalim na motibo sa likod ng trahedya.