-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na may ilang e-sabong sites pa rin ang nagpapatuloy sa kanilang operasyon kahit na tuluyan na itong ipinasara ng pamahalaan.

Ipinahayag ni Lt. Michelle Sabino, ang pinuno ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) public information office, na mayroon pang 12 website ng e-sabong na pwedeng tayaan ng mga bettors gamit ang cryptocurrency ang kanilang natukoy.

Nasa sampu sa mga ito ay nasa ibang bansa at hindi rehistrado sa Pilipinas habang ang dalawa naman ay nandito sa bansa.

Paliwanag pa niya, ang naturang mga website ay pino-promote sa pamamagitan ng mga Facebook page na napag-alaman naman ng pulisya na may kaugnayan sa mga e-sabong operators.

Ayon kay Sabino, para makapagparehistro sa mga app ng e-sabong ay kinakailangan munang magdeposit ng Php100 ang indibidwal na nagnanais na gumamit nito.

Samantala, sa ngayon ay hindi pa rin nakikilala ng mga awtoridad ang mga administrator na nasa likod ng mga website na ito dahil sa anonymity mechanisms na kanilang ginagawa upang itago ang kanilang digital fingerprints, partikular na ang ibang offshore na.

Magugunita na noong May 16 ay nasa 16 na mga e-sabong website ang natukoy ng PNP na nananatiling aktibo sa kabilang ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ang opesyon nito.