Nasa 100 munisipalidad at 14 na lungsod sa bansa ang inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) na isailalim sa red category ngayong May 2022 election.
Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, ang red category ang pinakamataas na alerto pagdating sa seguridad.
Sinabi ni Carlos na sa mga lugar na ito may mga naitalang insidente ng karahasan, may intense political rivalry at may presensiya ng mga private armed groups na maaaring manggulo.
Binigyang-diin ni PNP Chief, na may marching order na siya sa mga unit commanders na tutukan ang mga lugar na nasa red category nang sa gayon maging kontralado ang sitwasyon.
Matatandaan na sinabi ng Commission on Election (Comelec) na nasa 300 na mga areas of concern o election hotspots ang kanilang tinitignan.
Gayunman, hindi nila inilabas ang pangalan ng mga lugar dahil isasailalim ulit nila ito sa validation and verification.
” So meron tayong color coded, meron tayong green, wala tayong magiging problema sa green areas. Yun pong yellow and orange binabantayan po natin but we focus on the red colored areas,” pahayag ni Gen. Carlos.
Sa mga lugar na nasa red category, nag deploy na ngayon ang PNP ng mga miyembro ng Regionak Special Operations Task Group na pamumunuan ng isang PNP senior officer na siyang magbibigay suporta sa paghahanda ng ibat ibang probinsiya o siyudad para sa nalalapit na halalan.
Samantala, muling nagpulong ngayong araw ang mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y bilang paghahanda sa nalalapit na eleksyon 2022.
Ayon kay Carlos, nagpatawag siya ng command conference para magkaroon ng “assessment” sa mga security situation ng mga rehiyon.
Gagamitin kasi nila ito para gumawa ng mga “adjustment” sa pagpapakalat ng mga tauhan.
Dagdag pa ni Carlos, magsisilbing “follow up” ang kanilang command conference para sa mga paksang una na nilang tinalakay sa nakalipas na pulong.
Paliwanag ni PNP chief,titignan ng kanilang pamunuan kung gumagalaw ba sila sa isang direksyon sa pagkamit ng kanilang mithiin na mapayapa at malinis na eleksyon.