-- Advertisements --

ILOILO CITY – Ikinadismaya ni Police Regional Office 6 Director Police Brigadier General Rene Pamuspusan ang pag-inom ng alak ng 10 pulis habang nasa loob ng Camp Jalandoni ng 2nd Iloilo Provincial Mobile Force Company sa Brgy. Zerrudo, Sara, Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Police Regional Office 6 Spokesperson Police Lt. Col. Joem Malong, sinabi nito na nakaabot na sa Regional Director ang mga litrato na kuha umano pagkatapos ng awarding ceremony ng sportsfest at pagkatapos ay may isinagawang fellowship program.

Ayon kay Malong, inaalam na kung paano nakapasok sa loob ng kampo ang alak sa kabila ng liquor ban at kung bakit nagsagawa ng sportsfest at fellowship program sa kabila ng ipinapatupad na physical distancing measure.

Inihayag ni Malong na karamihan umano sa mga pulis na nadawit ay kinabibilangan ng mga patrolman at ipinadala sa bayan ng Sara bilang augmentation force.