LAOAG CITY – Aabot sa 10 pamilya ang nananatili pa ngayon sa evacuation center sa Barangay Pancian sa bayan ng Pagudpud matapos umapaw ang tubig sa ilog.
Ayon kay barangay kagawad Jay-Z Lagundino, ang pag-apaw ng tubig na nagresulta para maanod ang kanilang mga bahay ay dulot pa rin ng nagpapatuloy na nararanasang ulan.
Mahirap umano ang kanilang sitwasyon na isolated ang kanilang lugar sa ngayon dahil walang makadaan na rescuers o opisyal ng bayan para pumunta sa kanilang barangay dahil sa malawakang landslide sa Sitio Banquero.
Sinabi nito na ang mga natitira pang suplay ng pagkain sa mga tindahan ang binibili ng mga residente hanggang makadaan ang rescuers o magbibigay ng tulong.
Maliban dito, pahirapan pa umano nga komunikasyon sa kanila dahil walang signal ang kanilang mga cellphone at wala ring kuryente.
Sa ngayon, umapela si Lagundino ng tulong para sa kanyang mga kabarangay lalo na ang mga nasa evacuation center.
Samantala, ipinaalam ni Lagundino na posibleng abutin pa ng ilang araw bago matapos ang clearing operation sa Sitio Banquero delikado pa sa ngayon.