-- Advertisements --

Isusulong ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na mataasan ng 10 percent ang budget sa agrikultura sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act.

Ayon kay Salceda, nagkita sila ni Agriculture Secretary William Dar at kanilang napag-usapan ang tungkol sa posibilidad na madagdagan ang pondo ng Department of Agriculture para matulungan ang sektor ng agrikultura na matugunan ang problema sa presyo at pagbangon na rin ng ekonomiya.

Inaasahan kasi aniya na posibleng tumaas ang presyuhan dahil nagsimula nang magpakita ang epekto ng mababang interest.

Pangalawa, nakikita rin niya na magkaroon ng financial bubble sa Southeast Asia kaya kailangan na ngayon pa lang ay mapaghandaan na magkaroon ng parang “sponge” para sa excess financial capital.

Dapat ay luwagan din aniya ang self-imposed restrictions na mayroon ang bansa hinggil sa land size, efficiency, use at ownership.

Kapag magawa ito, sinabi ni Salceda na malalampasan ang 2 percent per year sector growth na target ng DA.