-- Advertisements --

Inanunsyo na ng Miss Universe Philippines (MUP) na sa Lungsod ng Baguio nila napiling isagawa ang showdown ng mga kandidata mula sa preliminaries hanggang sa grand finals.

Katunayan naka-line up na agad ang preliminary interview sa darating na October 21, gayundin ang National Costume, Swimsuit & Evening Gown competition sa October 23, at ang coronation sa October 25.

Kaugnay nito, tiniyak ng MUP organization na sila ay tatalima sa health and safety protocols na itinakda ng Film Development Council of the Philippines at Department of Health lalo’t hindi pa natatapos ang coronavirus pandemic sa bansa.

Isa rito ang walang aasahang live audience sa production kung saan kakailanganing mag-subscribe ng pageant fanatics sa Ring Light series upang masubaybayan ang pre-pageant events at ang dalawang oras na finale.

Maaasahan daw na laging makikipag-ugnayan ang buong production team ng MUP organization partikular sa local government ng Baguio City hanggang matapos ang pageant.

Nabatid na nagsagawa na ng on-site inspection para matantya ang lawak ng lugar na aakma sa social distancing ng 48 candidates.

All set na rin ang sanitary facilities sa mga entrance at exit ng Baguio Country Club, gayundin ang isolation area para sa mga magkakaroon man ng sintomoas ng deadly virus.

Kabilang pa sa ipapatupad ay ang pagsailalim sa coronavirus test ng lahat ng may papel sa MUP, pagsusuot ng personal protective equipment ng production team, pagkakaroon ng sariling kuwarto rooms on-site ng mga kandidata, at kanya-kanyang make up o pag-aayos sa sarili.

Samantala, aminado ang isa sa mga kandidata na si Michelle Gumabao na hectic na ang schedule nila habang papalapit ang October 25 coronation pero nagagawa pa rin naman daw na makapagpahinga.

Miss U Phl bet Michelle Gumabao 4
Gumabao, Facebook photo

Una nang naiulat na isa ang athlete beauty queen mula Quezon City sa “hot picks” ng isang pageant website kabilang ang Miss Davao at ang Miss Sorsogon na kakarekober pa lamang matapos tamaan ng coronavirus.

Kung maaalala, si Gumabao ay minsang naging “binibini” candidate at naging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Globe 2018 kung saan siya ay nagtapos sa Top 15.

Wala pa namang abiso kung paano ang “final walk” ni Gazini Ganados bilang 2019 Binibining Pilipinas-Universe ngayong hiwalay na ng franchise ang MUP.

Bigo si Ganados na maibigay ang back-to-back win sunod kay Catriona Magnayon Gray kung saan Top 20 finish lamang siya sa Miss Universe noong nakaraang taon.