Patay ang isang 13-anyos habang sugatan naman ang anim na iba pa sa nangyaring banggaan ng SUV at 10 wheeler truck sa Purok Dela Paz Barangay Sicayab, Dipolog City kaninang hapon.

Kinilala ang biktima na si Keith Andrei Nayal, sakay ng SUV habang sugatan naman ang driver na si Merlinda Macawili at tatlo pang mga kasama na lulan ng naturang sasakyan.

Ayon kay P/Corp. Ran Daryll Bendanillo, pumutok umano ang gulong sa likurang bahagi ng sasakyan kung saan nakasakay ang mga biktima dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver at bumangga sa kasalubong na 10 wheeler truck.

Dahil sa lakas ng impact ay nayupi ang nasabing sasakyan.

Kalaunan ay nasawi rin ang menor de edad dahil sa mga sugat na natamo nito sa insidente.

Nabatid na patungo sana ang mga biktima sa isang birthday party sa Dapitan City bago nangyari ang insidente.

Sa ngayon, patuloy na nilalapatan ng lunas ang mga biktima kasama na ang driver ng 10 wheeler truck na nagtamo rin ng mga galos sa katawan.