Nakatakdang simulan ng Philippine Red Cross (PRC) ang 1,000 saliva COVID-19 tests simula ngayong araw bilang bahagi ng kanilang pilot study para sa mas mura at mas madali na uri ng testing para sa mga Pilipino.
Ayon kay Paulun Ubial, chief ng molecular laboratories ng PRC, target nilang maisumite sa Department of Health (DOH) ang maraming samples sa susunod na lingo.
Ayon kay Ubial, na dating health secretary, Oktubre ng nakaraang taon pa nang iprinisenta nila sa DOH ang kanilang tagumpay sa saliva tests pero ngayong buwan lamang nakapagbigay ng kanilang feedback ang ahensya patungkol dito.
Base sa initial tests na ginawa ng PRC noong Oktubre 2020, 95 percent ang nakuhang concordance rate sa gold standard na RT-PCR test.
Nangangahulugan lamang ito na parehas ang resultang lumabas sa saliva tests sa mga samples na kinuha mula sa mga nagpositibo o nagnegatibo naman sa RT-PCR tests.
Sa saliva test, na mas mura at mabilis na alternatibo sa tracing nang COVID-19, kailangan lamang dumura ng isang indibidwal sa isang sterile na vial na seselyohan.
Hindi na kailangan ng isang specimen collector at skilled professional sa pagkuha ng saliva test.
Ayon kay PRC chairman Sen. Richard Gordon, hindi lalagpas ng P2,000 ang presyo ng saliva test.