Isang tao ang namatay nang magsalpukan ang dalawang barko sa karagatan ng Batangas City ngayong araw ng Miyerkules.
Sa pagbanggit ng mga ulat mula sa Port Management Office-Batangas, sinabi ng PPA na nangyari ang aksidente alas-12;20 ng tanghali malapit sa Matoco Point sa Batangas City na kinasasangkutan ng MV Ocean Jet 6 at ng water taxi na pag-aari ng Hap & Co.
Galing sa Calapan Port ang MV Ocean Jet at patungo sa Batangas City Port nang mangyari ang insidente.
Agad namang nagpadala ang Philippine Coast Guard ng kanilang mga tauhan sa lugar na nagresulta sa pagsagip sa mga pasahero at tripulante ng dalawang barko.
Sa kasamaang palad, isa sa limang pasahero ng water taxi ang namatay.
Nailigtas ang lahat ng 105 na pasahero at 19 na crew ng MV Ocean Jet.
Una na rito, lahat ng nasagip na mga sakay ay dinala sa Port of Puerto Galera para sa paunang lunas.