Asahan na ang isa hanggang dalawang tropical cyclone ang inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong buwan ng Hunyo ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services (PAGASA).
Batay sa weather forcast ng state weather bureau nitong Linggo na may apat na posibleng tatahakin ang mga bagyo ngayong Hunyo — maaring kumakaliwa palabas (recurving scenarios) at posibleng tumama sa lupa (landfalling scenarios).
Paliwanag ng weather bureau, kahit hindi tumama ang bagyo sa Pilipinas, posibleng mapalakas nito ang habagat na magdudulot ng malakas na pag-ulan sa bansa.
Una nang idineklara ng PAGASA noong Biyernes ang opisyal na pagsisimula ng habagat season, na hudyat ng pagpasok ng tag-ulan sa bansa.
Sa kaso naman ng landfalling scenarios, posibleng tumama ang bagyo sa silangang bahagi ng Southern Luzon o Eastern Visayas, at lilipat papuntang West Philippine Sea bago magtungo sa Vietnam at Hong Kong.
Patuloy naman ang pag-ulan sa karamihan ng Luzon dahil sa habagat, habang inaasahang magiging maaraw naman ang panahon sa Visayas at Mindanao ngayong Linggo.