Inaya ni Ukraine President Volodymyr Zelensky si Russian President Vladimir Putin ng face-to-face talks bilang panibagong hakbang para matuldukan na ang giyera.
Sa kaniyang open letter sa Russian president, sinabi ni Zelensky na magiging mali na basta na lamang maghintay hanggang sa ang digmaan sa Europa ay muling maging sentro ng pansin ng US, at idinagdag pa na ang kapayapaan ay maaari lamang mangyari sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ayon kay Zelensky, maaaring isagawa ang kanilang harapang negosasyon sa Switzerland o Turkey.
Nanawagan din ang Ukraine leader ng ganap na tigil-putukan sa kabuuan ng panukalang negosasyon, bagay na nauna naman nang tinanggihan ni Putin.
Samantala, naniniwala naman si US President Donald Trump na mas mainam kung magkikita ang dalawang lider at umaasang magkakaroon sila ng kasunduan.
Kinumpirma naman na ng Kremlin na natanggap na nila ang sulat mula kay Zelensky at nakatakdang ipaalam ang nilalaman nito kay Putin.














