-- Advertisements --

Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na kasalukuyang nasa Paris, France si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at umano’y naninirahan sa isang mamahaling 10-bedroom house sa Champs-Élysées.

Ayon kay Remulla, ang naturang property ay malapit umano sa tindahan ng sikat na brand at tinatayang nagkakahalaga ng hanggang 200 milyong dolyar o humigit-kumulang P14.18 billion.

“He has a house on Champs-Elysees with 10 bedrooms and is close to a Christian Dior store,” ani Remulla.

Sinabi rin ng kalihim na kumpiyansa siyang maibabalik si Co sa Pilipinas bago matapos ang asylum application nito sa France.

“I am confident we’ll get the red notice and I’m confident we’re going to get Zaldy Co back here to the Philippines,” dagdag niya.

Si Co ay nahaharap sa kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y maanomalyang P289.5 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.

Matatandaang inanunsyo noon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nadetine si Co sa Prague matapos umano itong maharang sa German border dahil sa problema sa travel documents.

Gayunpaman, sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida noong Abril 28 na wala na sa kustodiya ng Czech authorities si Co, habang kinumpirma naman ng Malacañang na naghain ito ng asylum application sa France.

Ayon pa kay Remulla, nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa French authorities upang pigilan ang posibleng pagbibigay ng asylum kay Co.

Samantala, itinanggi naman ng abogado ni Co na si Atty. Ruy Rondain ang alegasyong nagmamay-ari ang kanyang kliyente ng naturang mansion sa Paris.

“I do know that Rep. Co does not own a 10-bedroom unit in Paris,” pahayag ng abogado.