-- Advertisements --

Iginiit ni House prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon na kailangang suriin ang pinagmulan ng naiulat na P88.5 milyong net worth ni Vice President Sara Duterte noong 2024 mula pa noong 2007, nang simulan nito ang serbisyo publiko.

Ayon kay Ridon, hindi sapat na tingnan lamang ang mga rekord mula 2022 dahil mahalagang masubaybayan ang kabuuang kita, mga ari-arian, at mga utang na nakasaad sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 2007 hanggang 2024.

Sinabi rin niya na mahalaga ang mga rekord mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at mga bank account upang maikumpara sa mga SALN ni Duterte at matukoy kung may mga ari-arian o deklarasyong hindi naihayag.

Binigyang-diin ni Ridon na gagamitin ng prosekusyon ang mga dokumentong ito bilang ebidensya sa impeachment trial at nasa Senate impeachment court ang pagpapasya kung paano ito pahahalagahan.