LEGAZPI CITY – Bakas ang kalungkutan ni Southeast Asian (SEA) Games 2019 gold medalists Agatha Wong na kanselado ang lahat ng kanyang international competition dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Wong sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa tatlo hanggang apat sana na international competition ang kanyang dadaluhan ngayong taon.
Gayunman, tuloy-tuloy pa rin ang training ni Wong para mas ma-improve ang techniques niya sa sports na wushu.
Aminado rin ang atleta na mahirap ang mag-ensayo sa loob ng bahay dahil ang nasabing laro ay kailangan ng malaking espasyo subalit hindi ito magsisilbing hadlang.
Nagbigay rin ito ng payo sa mga kapwa atleta na gawin ang lahat ng makakaya para mapagtagumpayan ang anumang laban.