Iminungkahi ni Senator Erwin Tulfo ang muling pagpapatupad ng work-from-home (WFH) setup at ride-sharing schemes upang matulungan ang mga manggagawa na makatipid sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sa isang pahayag sinabi ni Tulfo na maaaring ipatupad ang remote work lalo na sa mga trabahong hindi nangangailangan ng pisikal na presensya sa opisina.
“Kung hindi naman kinakailangan ang pisikal na presensya ng empleyado, bakit hindi na lang online reporting ang gawin?” ani Tulfo.
Binanggit ng senador na maaaring saklawin nito ang mga posisyong may kinalaman sa planning, research, administrative work, at customer service, mga trabahong napatunayang epektibong maisagawa sa bahay noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ayon pa sa kanya, kahit ang ilang serbisyong medikal noon ay naisagawa sa pamamagitan ng online consultations, patunay na posible ang ganitong setup sa kasalukuyang sitwasyon.
Para naman sa mga sektor na kinakailangang pisikal na pumasok—tulad ng manufacturing, hospitality, at healthcare—iminungkahi ni Tulfo ang carpooling o ride-sharing upang mabawasan ang gastos sa gasolina.
Aniya, maaaring magsama-sama ang magkakatrabaho sa iisang sasakyan at maghati-hati sa bayad sa krudo. Maaari rin aniyang gumamit ng ride-hailing apps ang mga empleyado at hatiin ang pamasahe.
Samantala, iminungkahi naman si Senate President Vincente “Tito” Sotto III na gawin ang carpooling gamit ang mga electric vehicle, sa pamamagitan aniya nito mas makakatipid ang mga komyuter sa pamahase gayundin sa kunsumo sa krudo
Habang hindi naman ikinatuwa ni Sotto ang transport strike na isinasagawa ng ilang grupo sa transport sektor, na tinawag niyang walang pakisama at makasarili dahil sa epekto ng tigil pasada sa mga komyuter.
















