-- Advertisements --
STEPH CURRY

Nalasap ng Golden State Warriors ang ikalawa nitong pagkatalo ngayong season, sa kamay ng Cleveland Cavaliers, 115 – 104.

Mistulang inalat ang Warriors sa naturang game, sa likod ng 28 points ni Stephen Curry, kasama ang 4 assists. Nasayang din ang 18 points 8 assists na naging kontribusyon ng defensive specialist na si Draymond Green, kasama ang 15 points ni Klay Thompson.

Sa panig ng Cleveland Cavaliers, nagbuhos ng 31 points ang shooting guard na si Donovan Mitchell, habang 24 points 7 assists naman ang naging kontribusyon ni Darius Garland.

Umagaw rin ng 16 rebounds 13 points ang power forward ng Cavs na si Evan Mobley, para selyuhan ang naging panalo nila kontra Warriors.

Sa unang kwarter, hawak ng Warriors ang kalamangan, ngunit pagpasok ng ikalawang kwarter, tinambakan sila ng Cavs ng 12 big points.

Pinilit ng GS na bumangon sa ikatlong kwarter at nagawa nilang ibaba sa 9 na puntos lamang ang kalamangan ngunit hindi pa rin nila ito na-mentene pagpasok ng ika-apat na kwarter.

Dahil dito, dalawa na ang naging pagkatalo ng Warriors habang nananatili sa lima ang naipanalo nilang laban ngayong season.

Habang sa panig ng Cavs, apat na ang kanilang pagkatalo habang 3 pa lamang ang nagagawang maipanalong laban.