-- Advertisements --

Ibang pamamaraan ang nais ipatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kontra sa iligal na droga.

Ayon sa Pangulo, tuloy ang war on drugs subalit magbabago ang pagtugon dito, kung saan mabibigyang diin ang pagtuturo sa mga bata ng panganib na dala ng illegal drugs.

Pati aniya sa panig ng law enforcement ay bumubuo na ng approach sa kung paano ilalatag ang giyera sa droga sa kanilang hanay at sa katunayan ay bumabalangkas na ng polisiya hinggil dito.

Dagdag ng pangulo na tinitingnan nila sa mas mataas na antas ang problema ng droga sa bansa habang may ilalatag din aniya ang pamahalaan na programa para sa rehabilitasyon.

Pagtiyak ng Pangulo, tinutugunan ng gobyerno ang problema sa droga at ginagawa nila ito ng tahimik lamang, kasabay ng paglalatag ng mga bagong pamamaraan upang ito ay labanan.