-- Advertisements --

Naniniwala ang election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na walang nangyaring data breach sa panig ng Smartmatic.

Una rito, nakitaan umano ng ‘very serious security’ ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation ang panig ng Smartmatic.

Ayon kay Committee Chairperson Sen. Imee Marcos, wala silang natukoy na hacking sa pag-iimbestiga pero nagkaroon ng probldma sa service provider ng mga vote counting machine.

Sinasabing sa Smartmatic lumabas ang ilang impormasyon pero hindi na ipinaliwanag pa ang detalye ng data breach.

Una rito, inimbestigahan ng Senado ang nasabing usapin makaraang lumabas ang isyu ng hacking na inilathala sa isang pahayagan.

Dumalo naman sa pagdinig sina Comelec Chairman Saidamen Pangarungan ay Commissioners George Garcia at Marlon Casquejo.

Pero sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Dr. Arwin Serrano, National Trustee Secretary at director for Voter’s Education and Volunteer Mobilization ng PPCRV, sinabi nitong base sa kanilang mga monitoring, ang sinasabing breach ay naganap noon pang 2016 elections.

Kampante itong walang breach na naganapa para sa halalan ngayong taon.

Samantala, labis namang ikinatuwa ni Serrano ang naging hakbang ng Commission on Elections (Comelec) na maglagay na ng live streaming sa National Printing Office (NPO).

Aniya, sila raw ang nag-petisyon dito para malagyan ng CCTV ang iba’t ibang panig ng NPO para masilayan din ng ating mga kababayan ang proseso ng pag-imprenta ng balota.

Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na 24/7 ang printing ng balota at ito ay mapapanood sa uninterrupted feed webcasting na live mula mismo sa NPO.

Accessible naman ito sa official Comelec website at Facebook Page.