
Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang rekomendasyon kaugnay sa pagbabalik ng mas mahigpit na panuntunan sa pagsusuot ng face mask o pag-amyenda ng Executive Order No. 7 kasunod ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Sa ilalim kasi ng nasabing Executive Order na inilabas noong nakalipas na taon, pinahintulutan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa loob at labas ng bahay at mga establishimento.
Subalit kailangan pa rin ng publiko na magsuot ng face mask sa mha healthcare facilities at sa loob ng mga pampublikong trasnportasyon.
Una ng iniulat ng OCTA Research Group na lumobo ang covid-19 positivity rate o porsyento ng mga indibidwal na nagpopositibo sa sakit mula sa mga nasuri sa Metro Manila habang lagpas sa itinakdang 5% ng World Health organization ang covid-19 positivity rate sa walong mga probinsiya sa bansa.
Nitong Huwebes naman ng madetect ang 54 na kaso ng Omicron subvariant XBB.1.9.1 sa bansa base sa latest covid-19 biosurveillance report.
Ayon sa DOH ang omicron subvariant na ito ay isang variant under monitoring dahil sa mataas na global prevalence at higher growth advantage nito.
Patuloy ang paalala ng DOH sa publiko sa individual risk assessment para mai-apply ang layers of protection gaya ng pagsusuot ng facemask at maayos na bentilasyon.
Gayundin pinapaalalahanan ang lahat na maging maingat at mag-isolate kapag nakakaranas ng mga sintomas ng covid-19 para mapigilan ang hawaan ng virus.










