Naniniwala ang Department of Health (DOH) na wala pang agarang pangangailangan ng pag-hire ng mga contact tracers kaugnay sa COVID-19.
Sinabi ni DOH spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire, karamihan sa mga local government units (LGUs) ay nagagawang mag-trace ng 80 percent ng mga taong may contact o nakahalubilo ng mga nag-positibo sa COVID-19.
“Based on the performance for contact tracing, ‘pag tiningnan natin, we have that kind of monitoring across all regions, makikita natin na most of the regions, they are having more than 80% of contacts that are being traced. Meron lang hong ibang region na talagang kailangan, tututukan natin at tutulungan,” ani Usec. Vergeire.
Ayon kau Usec. Vergeire, sa kasalukuyang bilang ng mga contact tracers, hindi pa nila nakikita na talagang kailangan na ng mag-hire bagama’t makakatulong daw kung may maidadagdag pa.
Inihayag ni Usec. Vergeire, isa sa mga factor ay ang budget dahil hindi ganun kalaki ang pondo para mag-hire ng ganun kadaming tao.
Batay sa data ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong June 21, may 52,794 contact tracers sa buong bansa.
















