-- Advertisements --

May obligasyon si impeached Vice President Sara Duterte sa taong bayan na dumalo sa kanyang gaganaping impeachment trial at harapin ang mga akusasyon laban sa kanya.

Ito ang binigyang-diin ni House Deputy Speaker Paolo Ortega.

Ayon kay Ortega, kung nagbabalak si Duterte na tumakbo sa mas mataas na posisyon tulad ng pagkapangulo, mas mataas na pamantayan ang inaasahan sa kanya kaya dapat siyang personal na magpaliwanag sa publiko.

Gayunpaman, naniniwala si Ortega na hindi dadalo ang Bise Presidente.

Aniya, bahagi ito ng estratehiya ng kampo ni Duterte, gaya ng hindi niya pagsipot sa mga nakaraang pagdinig sa Kamara.

Sa kabila nito, tiniyak ni Ortega na handa ang mga prosecutor sa anumang senaryo, kabilang ang posibleng pag-boycott o pagpapahaba ng proseso ng depensa.

Idinagdag din niya na ayon sa huling survey, 8 sa bawat 10 Pilipino ang gustong masimulan na ang pagdinig upang makuha ang mga kasagutan.

Inaasahang magsisimula ang impeachment trial sa Senado sa darating na Hulyo 6 upang mailatag ang mga ebidensya at matuldukan na ang isyu.