-- Advertisements --

Inanunsyo ng Cebu City Police Office (CCPO) na dadalo sina Vice President Sara-Duterte at First Lady Liza Araneta-Marcos sa Pasigarbo sa Sugbo o festival of festivals ngayong Linggo, Agosto 28 sa Abellana Sports Complex nitong lungsod ng Cebu.

Inihayag ni Police Lieutenant Colonel Maria Theresa Macatangay na nakatanggap na sila ng impormasyon kaugnay sa pagbisita ng bise presidente at ng first lady kasabay ng aktibidad.

Maliban dito, sinabi pa ni Macatangay na wala pa umano silang natanggap na kumpirmasyon kung dadalo ba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngunit pinaghahandaan na rin umano ito ng pulisya.

Aabot pa sa humigit-kumulang 1,300 police personnel ang ipapakalat sa nasabing aktibidad.

Nauna nang inanusyo na magpapatupad ng signal jamming sa araw ng aktibidad bilang bahagi ng seguridad ngunit siniguro naman ang publiko na hindi maaapektuhan ang ibang lugar ng lungsod at probinsya.

Sa kasalukuyan, kanya-kanya nang nagsagawa ng practice at blocking sa venue ang mga contingents.