-- Advertisements --

Sinabi ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na dapat nagpakita ng pagpipigil si Vice President Sara Duterte sa halip na umano’y magbanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Adiong, hindi sapat na dahilan ang galit upang makagawa ng pagbabanta ang isang mataas na opisyal ng pamahalaan dahil inaasahan silang sumunod sa mas mataas na pamantayan ng asal na itinatadhana ng Konstitusyon.

Iginiit din niya na hindi dapat gawing katanggap-tanggap o i-normalisa ang ganitong uri ng pananalita, lalo na mula sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Nahaharap si Duterte sa impeachment kaugnay ng kanyang pahayag noong Nobyembre 23, 2024 na iniuugnay ng prosekusyon sa alegasyon ng grave threats laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.