-- Advertisements --

MANILA – Pinagtawanan lang ni Vice President Leni Robredo ang nag-trending na #NasaanAngBisePresidente online, habang sinasalanta ng bagyong Vicky ang ilang bahagi ng Mindanao.

“Ina-acknowledge na nila na ako iyong Pangalawang Pangulo kasi ‘di ba tawag nila Fake VP, so nasaan ang Bise Presidente? May picture pa ako. So talagang ako iyong Bise Presidenteng hinahanap nila,” hirit ni Robredo sa kanyang weekly radio program.

Nitong Biyernes nang sa malubog sa baha ang ilang lugar sa Agusan del Sur at Surigao del Sur dahil sa ulan na dala ng bagyo.

Kasabay nito, umulan din ng panawagan online para sa pangalawang pangulo, na agad namang sinagot ni VP Leni.

“Andito po ako. Kanina pa kami nag-coordinate sa areas na apektado,” ani Robredo sa isang online post.

Ayon sa pangalawang pangulo, agad nakipag-ugnayan ang Office of the Vice President sa local officials sa Mindanao para malaman ang sitwasyon, at kung paano makakatulong sa mga biktima.

Binalewala naman ni Robredo ang isang netizen na nag-banta pa raw sa kanya sa gitna ng pagsisikap na magbigay tulong.

“Mayroon pang nag-threaten sa Facebook na kapag nakita raw ako doon sa Mindanao dito sa calamity ay hindi na raw ako makakauwing buhay. Parang para sa akin, ito ba iyong klase ng mga supporters na gusto natin? Kasi, ‘di ba, parang nakakahiya naman.”

Magugunitang nag-trending ang #NasaanAngPangulo sa kasagsagan ng pananalasa ng magkakasunod na bagyo noong Nobyembre sa Luzon.

Sa gitna kasi ng pananalasa ni Super Typhoon Rolly, tahimik ang Malacanang sa pagbibigay ng mga paalala sa publiko.