-- Advertisements --

Umaasa si Vina Morales na mababasura na rin ang ngayo’y isa na lamang na kasong libel na isinampa laban sa kanya ng negosyante at ex-boyfriend na si Cedric Lee.

Ito’y matapos ibunyag ng 44-year-old singer/actress na nadismis na ang kinakaharap nitong libel case sa Caloocan City noon pang 2018.

Ayon kay Vina o Sharon Garcia Magdayao sa tunay na buhay, napalitan ng “tears of joy” ang kanyang takot sa pagdalo sa court hearing lalo’t may pandemya at wala sanang balak lumabas.

Makikita sa larawang kanyang nai-post na nasa harap siya ng Caloocan City Judicial Complex kasama ang abogado kung saan sila ay nakasuot ng face mask at face shield.

Sa ngayon, ang kaso na lamang nito sa San Juan City ang hindi pa nahahatulan mula nang dinggin noong 2013.

https://www.instagram.com/p/CEoC7Pfn9Tc/

Habang una nang pinanigan si Morales ng mga korte sa Nueva Ecija, Pasig City, Parańaque City, Mandaluyong City, at Quezon City.

Ugat ng kaso ay ang alegasyon ni Vina na umano’y hindi raw pagsustento ni Cedric sa kanilang anak na ngayon ay 11-anyos na, gayundin ang pambu-bully daw ni Lee.

Taong 2006 nang maging magkasintahan sina Vina si Cedric pero nauwi sa breakup makalipas ang tatlong taon.

Buntis na pala si Vina sa anak nila ni Cedric at pinangalanang Ceana nang isilang taong 2009.

October 2016 naman nang kasuhan ni Vina ng kidnapping si Cedric sa Mandaluyong City Regional Trial Court (RTC) dahil sa pagtangay sa kanilang anak habang siya ay nasa Amerika.

“Guilty” ang hatol ng Mandaluyong RTC kay Cedric sa kasong kidnapping kung saan pinagmulta ito ng P300, at inobligang magbayad kay Vina ng P50,000 para sa moral at nominal damages.

Kung maaalala, naging pamilyar sa publiko ang pangalan ni Cedric dahil sa pagkakasangkot niya sa mga kasong may kinalaman sa pananakit sa ilang celebrities.

Kabilang dito ang pambubugbog sa TV host-comedian na si “Vhong” Navarro noong 2014.