-- Advertisements --

Nakatakdang mag-uusap umano na telepono sina Pangulong Rodrigo Duterte at US President Donald Trump.

Ito ay kasunod ng pagkumpirma ng Malacanang na iniutos na ni Pangulong Duterte kay Executive Sec. Salvador Medialdea na sabihan si Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin na magpadala na ng notice sa US government kaugnay sa desisyon ng Pilipinas na i-terminate na ang Visiting Forces Agreement (VFA).

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, magaganap ang pag-uusap ng dalawang lider anumang oras mula ngayon.

Ayon kay Sec. Panelo, tinototoo lamang ni Pangulong Duterte ang kanyang naging banta na pagbasura na sa VFA matapos kanselahin ng US ang visa ni Sen. Ronald dela Rosa.

Ang VFA ang niratipikahan ng Philippine Senate noong 1995 na nagpapahintulot sa US troops na sanayin ang militar ng Pilipinas sa disaster response at anti-terrorism operations pero bawal silang makisali sa actual combat operations sa loob ng bansa.

Nakapaloob sa VFA ang taunang Balikatan Exercises sa pagitan ng tropa ng US at Pilipinas kung saan dinadala ng mga sundalong Amerikano ang kanilang modernong military war equipment.

Ilang kaganapan na rin sa Mindanao nakatulong ang VFA partikular ang pagbibigay ng US ng intelligence reports gamit ang kanilang makabagong spy planes o drone para matukoy ng militar ang lokasyon ng mga kalaban lalo na ang mga terorista.

Kabilang dito ang naganap na Zamboanga Siege, Mamasapano operations kung saan napatay ang international terrorist na si alyaw Marwan at ang Marawi Siege.

Maliban sa militar trainings at military equipment acquisition, nagbibigay din ang US ng bilyong halaga ng military at humanitarian aid sa Pilipinas.

Inihalimbawa rito ni Sec. Locsin ang halos $1 billion (P50.73 billion) na halaga ng military equipment, training, aid at funding para sa iba’t ibang proyekto mula 2016 hanggang 2019.

Dahil din daw samalapit na alyansa ng ng dalawang bansa, pinakalamaking source ng grants ang US gaya ng $886.47 million (P44.96 billion) na nakuha ng Pilipinas.