Idinagdag ng Gilas Pilipinas si Kelly Williams para maglaro sa last window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa susunod na linggo.
Ayon sa Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) na isinama nila ang 41-anyos na beteranong manlalaro sa 24-man pool.
Papalitan nito si Ateneo center at dating UAAP Most Valuable player Ange Kouame.
Sinabi ni SBP President Sonny Barrios na mayroong kakayahan ang 6-foot-8 na si Williams na mag-shoot ng three points at kabisado na rin nito si Gilas coach Chot Reyes.
Magugunitang ibinunyag ni Reyes na hindi makakapaglaro sa Gilas si Kai Sotto dahil sa kinuha na ito ng Japan Basketball League ganun din si Japeth Aguilar na nagpapagaling ng kaniyang injury sa tuhod.
Gaganapin kasi sa bansa ang laban ng Gilas kontra sa Lebanon at Jordan sa Pebrero 24 at Pebrero 27 sa Philippine Arena.