Pinasisilip na ng Department of Health (DOH) sa mga kawani nito ang dahilan kung bakit ilang araw nang hindi nagsu-submit ng kanilang report ang ilang COVID-19 testing laboratories.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, tinapik na ng ahensya ang laboratoryo sa Allegiant Regional Care Hospital at isa pang pasilidad na hindi raw nagpapasa ng reports.
“We are trying to coordinate now with Allegiant kung bakit hindi siya nakakapagsa these past days. Tapos meron pa isang laboratoryo na in-identify that was not able to submit a report,” ani Vergeire.
Aminado ang opisyal na may ilang laboratoryo ang bigong makapagsumite ng reports sa alas-6:00 ng gabi na deadline ng Epidemiology Bureau.
“Kapag lumalagpas sila doon, mag-submit sila ng alas diyes, hindi na sila papasok doon sa roster namin na sinabi namin na 42 out of 50 reported.”
Binigyang diin ng Health spokesperson na dumadaan pa sa validation ng ahensya ang mga natatanggap na reports bago isinasama sa opisyal na case bulletin ng confirmed cases.
Kailangan daw kasing makita kung may mga dumoble o pagkakamali sa pangalan at resulta ng tests na ginawa.
Nilinaw ng opisyal na magkaiba ang unique positive individuals na nasa laboratory submissions at confirmed cases sa kanilang mga case bulletin.










