-- Advertisements --

Higit P12-billion ang itinakdang alokasyon ng Department of Health (DOH) para sa procurement o pagbili ng COVID-19 vaccines sa susunod taon.

Pero P2.5-billion lang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management sa ilalim ng National Expenditure Program.

Ayon sa DOH, hindi sasapat ang higit P2-bilyong alokasyon kung target ng pamahalaan na mabakunahan ang 20% ng populasyon sa Pilipinas.

Sumali ang bansa sa COVAX Facility. Isang inisyatibo na nangangako ng patas na distribusyon ng madidiskubreng epektibo at ligtas na bakuna laban sa COVID-19. Sa ilalim nito, 20% ng bawat populasyon ng mga sumaling bansa ang may seguridad na mabibigyan ng bakuna.

Paliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, posibleng maabot ng estado ang tinatawag na “herd immunity,” o proteksyon mula sa impeksyon ng sakit, kung higit 60% ng mga Pilipino ang mababakunahan.

Kaya naman apela ng ahensya sa Kongreso, dagdagan pa ang alokasyon sa pagbili ng COVID vaccines.

“We would need about 60 to 70 percent of the population immunized so that we can have herd immunity.”

“When we talked about P12.5 billion, that is just covering about 20 percent of our population, so we still need a budget for about 40 percent of the population para lang ma-reach natin yung 60 percent for herd immunity.”

Nilinaw ng opisyal na hindi naman naka-depende sa herd immunity ang pamahalaan, pero mahalaga rin umanong ikonsidera ito ng gobyerno para mabigyan ng proteksyon sa sakit ang buong populasyon.

“We are not saying that we are tying up our hope dito lang sa bakuna but really alam natin essential.”

Nais ni Pangulong Duterte na unang mabigyan ang mahihirap, healthcare workers, pulis at militar kapag naging available na ang bakuna laban sa COVID-19.