-- Advertisements --
VCO
IMAGE | Virgin coconut oil products in a mall in Mandaluyong/Christian Yosores

MANILA – Nakatakda na ring simulan ng lungsod ng Valenzuela ang clinical trial para sa virgin coconut oil (VCO) bilang dagdag na supplement sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), naglaan ng P2.12-million na pondo ang kagawaran at iba pang involved agencies para sa pag-aaral ng VCO sa nasabing lungsod.

Naglaan din daw ng hiwalay na alokasyon ang local government unit para makatulong sa gagawing pag-aaral.

“Recognizing the importance of widening its scope and expanding the research on using VCO as a potential supplement to prevent the worsening of conditions caused by COVID-19, the DOST identified Valenzuela City as another site,” ayon sa ahensya.

Magugunitang natapos noong Disyembre ang inisyal na clinical trial ng VCO sa Sta. Rosa Community Hospital sa Laguna.

Lumabas sa inisyal na pag-aaral na bumuti ang kondisyon ng mga participants na suspect at probable cases. Pero inirekomenda pa rin na ipagpatuloy pa ang pag-aaral sa VCO.

Target ng DOST na makapag-enroll ng 120 participants sa pag-aaral na gagawin sa Valenzuela City.

“That are further divided into two (2) groups, namely, 60 control samples and 60 samples provided with intervention.”

Ayon sa Science department, limitado lang para sa mga symptomatic at asymptomatic confirmed cases ang VCO study sa lungsod.

Katuwang ng ahensya ang kanilang mga sangay na Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) at Food and Nutrition Institute (FNRI); at ang Philippine Coconut Authority (PCA).

Bukod sa pag-aaral na gagawin sa Valenzuela, nagsimula rin ang VCO study sa Philippine General Hospital.

Kinumpirma ni Sec. Fortunato dela Pena na inaprubahan ng PGH ang kanilang rekomendasyon na palawakin ang “inclusion criteria” ng pag-aaral sa ospital.

“Hindi lamang severe at moderate cases ang isama sa kanilang pag-aaral, isama na rin yung ilang may commorbidities.”

“Piliin lang nila kung anong commorbidities na isasali, kasi siyempre ayaw naman natin yung may risk ng bad reaction.”

Ayon kay Dela Pena, bumababa ang bilang ng severe at moderate cases sa nakalipas na buwan kaya maaari nang i-konsidera ang pagsali ng ibang populasyon sa pag-aaral.

Bukod sa VCO, pinag-aralan din ng DOST ang lagundi at tawa-tawa laban sa COVID-19.

“By the end of February ay magkakaroon na kami ng ia-announce na resulta.”