-- Advertisements --

Lumabas sa classified preliminary intelligence report ng US na bigong masira ng pagbomba ng Amerika ang nuclear capability ng Iran.

Subalit maaaring maantala lamang ng ilang buwan ang nuclear program ng Iran dahil sa pag-atake, bagay na taliwas naman sa claim ni US President Donald Trump na nawasak ito.

Base sa report na inilabas ng Defense Intelligene Agency, naharangan lamang ng strikes ang pasukan sa dalawang nuclear facilities subalit hindi nito napabagsak ang mga gusali na nasa undergrounds.

Base din sa isang indibidwal na pamilyar sa intel report, nananatiling intact ang ilang centrifuges.

Kinumpirma naman ni White House Secretary Karline Leavitt ang authenticity ng naturang assessment subalit sinabi niyang ito ay posibleng mali at naklasipika din aniya ito bilang isang “top secret” subalit na-leak pa rin.

Ang pagkaka-leak aniya ng naturang assessment ay isang malinaw na pagtatangka para siraan si Pres. Trump at ipawalang saysay ang katapangang ipinamalas ng mga fighter pilot na nagsagawa ng matagumpay na misyon para mabuwag ang nuclear program ng Iran.

Aniya, alam ng lahat kung ano ang mangyayari sa oras na ibagsak ang 14 na 30,000 pounds na mga bomba sa kanilang targets at ito aniya ay “total obliteration” o ganap na nasira.

Kahapon, June 24, sinabi ng gobyerno ng Iran na gumawa na sila ng kaukulang mga hakbang para matiyak ang pagpapatuloy ng kanilang nuclear program kasunod ng pagbomba ng US sa kanilang nuclear facilities.

Inihayag din ng isang adviser ng Iran Supreme Leader na mayroon pang stocks ang kanilang bansa ng enriched uranium at iginiit na “the game is not over”.

Matatandaan, nagsimula ang labanan sa pagitan ng Iran at Israel noong June 13, 2025, matapos maglunsad ang Israel ng air strikes sa nuclear sites, at top military bases ng Iran sa layuning mapigilan ang kanilang nuclear efforts.