Naglabas ng report ang isang independent United Nations investigation na nagsasabing may malawak umanong paglabag sa karapatang pantao laban sa mga batang Palestino sa Gaza at West Bank, kabilang ang mga posibleng paglabag na maaaring maituring na crimes against humanity, war crimes, at genocide.
Ayon sa UN Independent International Commission of Inquiry on the Occupied Palestinian Territory, kabilang ang East Jerusalem at Israel, na kanilang sinuri mula nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas noong Oktubre 7, 2023.
Batay sa kanilang datos, tinatayang humigit-kumulang 30% ng mga nasawi sa Gaza ay mga bata. Aabot din umano sa mahigit 20,000 bata ang nasawi mula Oktubre 2023 hanggang Oktubre 2025.
Ayon kay commission chair Srinivasan Muralidhar, may mga ebidensyang nagpapakita umano na sadyang tinatarget at pinapatay ng Israeli security forces ang mga batang Palestino, at posibleng indikasyon ito ng intensyong ubusin ang populasyon sa Gaza.
Ipinunto rin sa ulat ang patuloy na paggamit ng malalakas na explosive weapons sa mga lugar na may mga sibilyan, na nagdudulot ng mataas na bilang ng mga batang nasasawi.
Dagdag pa ng komisyon, mas mataas ang porsyento ng mga batang nasawi sa kasalukuyang digmaan kumpara sa mga nakaraang labanan sa Gaza noong 2008–2009 at 2014, kung saan nasa humigit-kumulang 24% ang mga bata sa kabuuang bilang ang sumakabilang buhay.
Bukod sa mga nasawi, binigyang-diin din sa report ang matinding epekto ng digmaan sa kalusugan, nutrisyon, at mental health ng mga bata dahil sa displacement, kakulangan sa pagkain at gamot, at pinsala sa mga pasilidad medikal.
Sa West Bank at East Jerusalem, iniulat din ang pagtaas ng karahasan umano ng mga Israeli settlers laban sa mga batang Palestino, kabilang ang mga kaso ng torture at malupit na pagtrato sa mga detainee.
Mariin namang itinanggi ng Israel ang mga paratang at tinawag itong “defamatory” at “libelous.” Ayon sa kanila, ginagawa umano nila ang lahat upang maiwasan ang pinsala sa mga sibilyan at iginiit na hindi isinasaalang-alang ng report ang mga aksyon ng Hamas.
Sinabi rin ng Israel na ang kanilang operasyon ay bahagi ng pagtugon sa tinatawag nilang “constant terrorist threat” sa rehiyon.










