CAUAYAN CITY- May posibilidad pa ring manalo si Pangulong Donald Trump sa kabila ng pangunguna ngayon ni dating vice president Joe Biden sa electoral votes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Chris Rivera, presidente ng Filipino American Association of Philadelphia Incorporated na kung pagbabatayan ngayon ang pinakahuling bilang ng mga boto sa Pennsylvania ay nangunguna si Pangulong Donald Trump pero kung titignan naman sa buong Amerika ay nangunguna si dating vice president Joe Biden.
Gayunman ay may posibilidad pa ring manalo si Trump dahil kung pagbabatayan ang mga nangyari sa mga nakaraang halalan ay nangyari na rin ito.
Dahil dito, umaasa sila na mananaig pa rin ang tama sa kabila ng mga lumalabas na balita na may nangyayaring dayaan sa bilangan ng mga boto.
Sa kabila nito, sino man ang manalo sa dalawang nagnanais na maging pangulo ay hiling nilang suportahan pa rin nito ang mga Fil-Am na nakatira sa Estados Unidos.
Sa ngayon aniya ay mayroong 41,000 Fil-Am sa Pennsylvania.