-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Patuloy na nagluluksa ang bansang Turkey sa 41 na mga minerong nasawi sa pagsabog ng state-owned Turkish Hard Coal Enterprises sa port town ng Amasra, sa Turkey’s Black Sea coast.

Ito ang binigyang-diin ni Bombo International News Correspondent Bunny Cariaso sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa naturang usapin.

Dagdag ni Cariaso na mula sa 28 na minerong sugatan, ay mayroon na lamang 5 minero ang nananatili sa loob ng Intensive Care Unit dahil sa mga natamo nilang malubhang sugat. Saad pa nito na natapos naman ng mga otoridad ang search and rescue operations noong Sabado kung saan ay 58 na minero ang kanilang nasagip.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy kung paano at saan nagsimula ang pagsabog.

Magugunita na naganap ang pagsabog sa naturang coal mine noong Biyernes, Oktubre 14, ganap na 06:15 ng gabi kung saan nasa 110 katao sa minahan ay nasa higit 350 metro sa ilalim ng lupa nang mangyari ang insidente.