Tuloy-tuloy ang operasyon ng pamahalaang Alaminos City para sa mga indibidwal na nagnanais dumayo sa kanilang lungsod upang makita ang mga kamangha-manghang tanawin at atraksiyon.
Ayon kay Miguel ‘Mike’ Sison na siyang Tourism Officer ng nabanggit na lungsod na kanilang ipinagpapasalamat na hindi naging malakas ang epekto ng lindol sa kanilang lugar kung kaya’t tuloy pa rin ang operasyon para sa mga lokal at internasyonal ng mga turista.
Aniya, na sa ngayon ay unti-unti na ring nakakabawi ang kanilang turismo na pinadapa ng mga nagdaang lockdowns dahil sa pandemya ng Covid.
Ang mga hotels, souvenir shops at ilan pang mga establisyemento ay nakkabangon na rin aniya lalo na’t tuluyan ng nagluwag ang mga restriksyon sa bansa.
Dagdag pa nito na ang mga naitatalang bagyo at masasamang panahon ang nakakapekto sa dami ng mga residenteng pumupunta sa lungsod ng Alaminos.
Paglilinaw rin nito na sa oras lamang na magbababa ng typhoon signal sa lungsod ay tsaka lamang sila magsusupinde sa kanilang mga operasyon.
Magbabawas lamang aniya sila ng mga kapasidad at hindi papayagan ang paglalayag ng mga malilit na bangka kung magkaroon man ng sama ng panahon.
Samantala sinabi naman nitong umabot sa higit 1,549 turista ang naitala nila kahapon at umaasa silang madaragdagan pa ito sa mga susunod pang mga araw.
Kaugnay nito ay hinikayat nito ang publiko na pumasyal sa kanilang lugar upang matuklasan ang ganda ng siyudad ng Alaminos.