Maari pa ring makatanggap ng ayuda hanggang sa susunod na taon ang mga manggagawang apektado ng COVID-pandemic.
Ito ay matapos na aprubahan ng Senado at Kamara ang panukalang batas na nagpapalawig sa effectivity ng funding sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One (Bayanihan 2) hanggang sa susunod na taon.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, magandang pagkakataon ito upang sa gayon ay makompleto rin nila ang kanilang mga programa na binigyan ng pondo sa ilalim ng Bayanihan 2.
Sinabi ng kalihim na kabuuang P16.4 billion ang alokasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga manggagawang apektado ng COVID-19 pandemic.
Sa naturang halaga, P4.1 billion ang para sa mga beneficiaries ng kanilang regular Covid Adjustment Measures Program (CAMP), kung saan binibigyan ng one-time P5,000 cash aid ang mga manggagawa sa formal sector.
Nagkakahalaga naman ng P3.1 billion ang budget para sa CAMP beneficiaries sa tourism sector, at karagdagang P300 million para sa CAMP coverage ng mga empleyado sa education sector.
Para naman sa emergency employment ng informal sector workers sa ilalim ng kanilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program, aabot sa P6.2 billion ang alokasyon.
Sinabi ni Bello na P2 billion naman ang pondo para sa one-time P10,000 financial assistance para sa mga overseas Filipino workers na nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya sa ilalim ng kanilang Abot Kamay Ang Pagtulong for OFWs (Akap) program.