-- Advertisements --

Naniniwala ngayon ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na maipasa sa 19th congress ang P200 wage increase bago mag-adjourn sa susunod na linggo.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Carlos Miguel Oñate, Spokesperson at Legislative Officer ng TUCP, sinabi nitong kanilang ikinatuwa at ipinagdiriwang ang historic na P200 wage increase.

Sinabi pa ni Oñate na hindi pa umano nila pinag-iisipan ang worst-case scenario na bumalik sa zero kung hihintayin pa ang 20th Congress.

Meron pa umanong natitirang 3 session days sa susunod na linggp bago matapos ang 19th congress.

Aniya, ito ang first ever legislated wage hike mula noong 1989 kaya magiging sayang pa umano ang kasaysayan sakaling babalik na naman sa umpisa.

Binanggit pa ni Oñate na nakapagpasa na ang Senado ng bersyon nito na ₱100 wage increase kaya naman panawagan niya ang agarang pagpatawag ng bicameral conference committee para isapinal ang kani-kanilang bersyon ng panukalang dagdag sahod.

Paglilinaw pa niya na hindi ito regional wage board kundi kung ano ang katumbas sa bill ay yun ang ibibigay na dagdag sahod.

Panawagan din nito sa administrasyon na walang rason na hindi ito pirmahan para tuluyang maging batas dahil pag gusto aniya ay laging may paraan.

Dagdag pa nito na batay na rin sa kanilang pag-aaral ay ito ang kinakailangan para iahon ang lahat 5 million minimum wage earners mula sa kahirapan.