-- Advertisements --

BACOLOD CITY – (Update) Nawalan ng preno ang truck na may kargang mga baboy na nahulog sa bangin sa Zamboanguita, Negros Oriental nagresulta sa pagkamatay ng limang katao at isa ang sugatan kahapon.

Ito ang lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya sa aksidente na nangyari sa Upper Mayabon, Zamboanguita, alas-12:15 kahapon ng tanghali kun saan namatay sina Nenita Olivar at apat na iba pa na sina Tito Ramirez, 55, at Rusty James Rafael Sumaway, 24 ng Tanjay, Negros Oriental; Jason Cadellena ng Brgy. Sapinitan, Ayungon, at Edgardo “Momoy” Ramirez.

Kabuuang 104 na mga baboy ang karga ng truck at marami rin sa mga hayop ang namatay.

Binabagtas ng truck na minamaneho ni Roberto Olivar ang south to north direction sa national highway nang hindi na kumagat ang preno nito kaya bumangga sa railings sa daan at nahulog sa bangin na may lalim na 40 metro.

Asawa ng driver ang namatay na si Nenita.

Ginagamot ngayon sa Negros Oriental Provincial Hospital si Roberto at inilagay na sa arrested status.