-- Advertisements --

Naniniwala si dating Senator Antonio Trillanes IV na may ilang movement o hakbang para mapigilan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Trillanes, may mga hakbang na ginagawa ang kampo ni VP Sara at ng kaniyang mga supporter para itulak ang ilang hakbang upang madiskaril ang pag-usad ng trial.

Isa sa mga pangunahing hakbang ay ang paglabas at tuloy-tuloy umanong paggawa ng kuwento ng 18 dating bodyguards ni Zaldy Co upang siraan ang mga personalidad na nagtutulak sa impeachment complaint.

Kasama rin aniya dito ang ilang destabilization effort para lamang mapigilan ang trial o mabahiran ito ng mga kontrobersiyal na isyu.

Giit ni Trillanes, nais ng kampo ng pangalawang pangulo na ang trial ay makagawa ng ‘political outrage’ at pumabor sa kaniya ang opinyon ng publiko, ngunit hindi aniya ito nangyayari, kaya’t tiyak na gagawa ang naturang kampo ng iba pang hakbang para mapigilan ito.

Sa kabilang banda, una nang sinabi ng defense team ni VP Sara na nakahanda na ang kampo ng pangalawang pangulo para harapin at sagutin ang kaso sa impeachment court.

Una nang umusad ang unang pre-trial conference para sa magiging trial ng pangalawang pangulo noong June 18, 2026.