-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Hindi titigilan ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang labinwalong indibidwal na nagpakilalang dating mga miyembro ng Philippine Marines kasama ang iba pang personalidad kapag patuloy na magpapakalat ng kasinungalingan laban sa kanya.

Ayon sa kanya hanggat hindi titigil ang mga ito ay patuloy rin ang kanyang pagsasampa ng kaso laban sa kanila.

Kamakailan lamang ay muling sinampulan ng kasong cyberlibel ni Trillanes ang 18 ex-marines kasama ang vlogger na si Byron ‘Banat By’ Cristobal at iba pang hosts ng Sonshine Media Network International matapos na igiit ng mga ito sa isang programa ang paghahatid ng male-maletang pera sa bahay ni Trillanes.

Mariing pinabulaanan ni Trillanes ang pagtanggap ng nasa $2 milyon mula kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co para sa pag-aasikaso umano ng pangangailangan ng International Criminal Court (ICC) investigators.

Isa umano itong pagsabotahe sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Dagdag pa ni Trillanes na may lima pang sundalo ang ni-recruit ngunit hindi sumama sa 18 ex-marines.

Maliban dito, ang iba umano sa mga 18 dating marines ay nagdadalawang-isip na rin na bumaliktad.