NAGA CITY – Patay ang isang tricycle driver matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Lucena City.
Kinilala ang biktima na si Michael Putian Abonita, residente ng Brgy. Talao-talao, sa nasabing lungsod.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang minamaneho ng biktima ang tricycle nito ng panandalian itong tumigil sa harap ng bahay ng isang Roberto Glifonea Leona upang bumili ng tubig.
Ngunit ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na habang pababa ito sa kaniyang tricycle nang bigla na lamang itong barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek.
Dahil dito, agad namang binawian ng buhay si Abonita.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, lalo na ang pagtukoy sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek na agad namang tumakas matapos isagawa ang nasabing krimen.