CAUAYAN CITY – Nakakulong na ang isang tsuper ng tricycle matapos madakip sa isinagawang drug buy bust operation sa Purok 5, Mabini, Santiago City.
Ang dinakip ay si Camilo Manuel, 54 anyos, may asawa at residente ng Purok 1, Calao East, Santiago City.
Bago isagawa ang operasyon, nakatanggap ng impormasyon ang mga kasapi City Drug Enforcement Unit ng Santiago City Police Office ukol sa pagtutulak ng illegal na droga ng suspek.
Nagpositibo ang isinagawang validation ng mga otoridad kaya nagsagawa ng buy bust operation ang pinagsanib na pwersa ng City Drug Enforcement Unit at Santiago City Police Office sa Pangunguna ni Police Major Alexander Rodrigo, Presinto Uno at PDEA Region 2 at nadakip si Manuel.
Nakuha sa suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu kapalit ang buybust money mula sa pulis na na nagsilbing poseur buyer.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isasampa laban sa suspek na dinala sa Presinto Uno para sa Karampatang Disposisyon.
Inaasahan na sa pagkakadakip ng suspek na nasa Directorate for Intelligence List ay mababawasan ang supply ng ilegal na droga sa Santiago City.