-- Advertisements --

Kulang ang Treatment, Storage, and Disposal (TSD) facilities sa bansa para ma-accomodate ang dumaraming healthcare wastes sa harap ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Pag-aamin ito ni Engr. Visminda Osorio  sa pagdinig ng House committee on appropriations sa 2022 proposed budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon kay Osario, hanggang noong Hunyo 30, 2021 ay pumapalo na sa mahigit 660,000 metric tons ang nakolektang healthcare wastes sa buong bansa tulad na lamang ng heringgilya at iba pang ginagamit sa COVID-19 vaccination, personal protective equipment.

Ang numero na ito ay 11.30 percent na mas mataas mula sa total capacity ng TSD facilties sa bansa na kaya lamang makapagtanggap ng 15,383.19 metric tons ng healthcare wastes sa kada araw.

Sa ngayon, 47 ang TSD ang Pilipinas pero 25 lamang dito ang rehistrado na matatagpuan sa loob lamang sa walong rehiyon sa bansa.

Sa mga lugar na walang TSD, ang ginagawa aniya sa ngayon ay ibinabaon sa lupa pagkatapos na sumailalim sa disinfection, alinsunod sa healthcare wastes management protocol ng Department of Health.