Hinimok ng Department of Tourism (DOT) ang munisipalidad ng Malay na gawing mas simple ang travel requirements para sa mga turistang nais pumunta sa Boracay.
Sinabi ito ng DOT matapos na makatanggap sila ng maraming reklamo hinggil sa naaantalang pagproseso ng mga requirement ng mga turista dahilan kung bakit hindi rin sila nakakasakay sa kanilang scheduled flights.
Karamihan sa mga reklamo anila ay ang request ng Malay-LGU (local government unit) para sa itinerary at “QR” codes para sa contact tracing, kakulangan sa manpower kaya mabagal ang pagproseso sa mga dokumento, at hindi rin accessible na consumer hotlines.
Bagama’t naiintindihan nila ang mga hamon at restrictions na kinakaharap ng mga lokal na pamahalaan, sinabi ng kagawaran na dapat ay gawin namang “streamlined” ang requirements para sa mga biyahero.
Kung tutuusin kasi, nasa hurisdiksyon din naman ng DOT ang pagpapapasok sa mga turista at pagproseso sa requirements ng mga ito.
Mula nitong Nobyembre 16, pinapayagan nang makapasok sa Boracay ang mga fully vaccinated na indibidwal sa pamamagitan lamang ng pagpapakita ng vaccination certificates sa halip na kumuha pa ng negative swab test result.