-- Advertisements --

Inumpisahan ng ilunsad ngayong araw ang programa ng Department of Justice (DOJ) na Training and Educational Program for DOJ Prosecutors and Law Enforcement Agents o TEPLEA para sa kasalukuyang taon na 2025.

Kung saan dinaluhan mismo ito ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Philippine National Police, Department of Justice, National Bureau of Investigation, Philippine Coast Guard, Department of Transportation, Department of Interior and Local Government at ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Kaya’t dumating sa DOJ sina PNP Chief Nicolas Torre III, DILG Secretary Jonvic Remulla, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Retired Judge Jaime B. Santiago at iba pang mga pinuno at representatives ng mga kabahaging ahensiya.

Sa inilunsad na naturang programa, layon nitong masanay at mapaunlad ang ugnayan sa pagitan ng mga law enforcement officers o mga tagapagpatupad ng batas kasama ang mga prosecutors o piskal na siyang tumitingin sa mga kaso.

Ayon naman sa inihayag ni Undersecretary Jesse Hermogenes Andres ng Department of Justice, sa pamamagitan ng programang ito ay mas mabibigyan umano ng pansin ang mga pag-aaral lalo na sa mga usapin hinggil sa mga batas.

Dagdag pa rito, makapagbibigay pagkakataon din aniya ito sa mga kapulisan, mga piskal, at ilan pang kabahagi na mas mapabuti pa ang pagseserbisyo sa publiko.

Binigyang diin din ng naturang undersecretary ang kahalagahan na maitaguyod ang pagkilala at pagrespeto sa karapatan pang-tao ng bawat mamamayang Pilipino.

Dahil dito, ipinagmalaki ni Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano ng Department of Justice na ang programang ito ay nagpapakita ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya para mas mapaganda ang serbisyo lalo na sa proseso at prosekusyon ng mga kasong inihahain.

Kaya’t paliwanag niya na bunga nito ay magkakaroon na ng mas pinalalim na koordinasyon sa pagitan ng prosecutors at law enforcement officers.

Hindi na aniya magkahiwalay ang mga ito, bagkus magtutulungan na para mapagtibay ang pagresolba o pagproseso sa mga kasong inihahain laban sa mga nahuhuling indibidwal na sangkot sa mga iligal na gawain.