-- Advertisements --
image 112

Nakahanda na ngayon ang tracker teams ng Philippine National Police para sa pagtunton sa mga suspek sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ito ay matapos na masampahan na ng pambansang pulisya sa Department of Justice ng reklamong kidnapping at serious illegal detention ang dalawa pang dagdag na suspek na isinasangkot sa naturang kaso.

Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group Director Police BGen. Ronald Lee, sa ngayon ay tinatrabaho na ng kanilang mga tracker team ang pagtukoy sa lokasyon ng mga suspek na ito habang hinihintay ang ilalabas na warrant of arrest ng korte upang tuluyan nang maikasa ang paghuli sa mga ito.

Ngunit nilinaw niya na sa kasalukuyan at wala pa aniyang maibibigay na timeline ang naturang hanay ng kapulisan hinggil dito dahil sa mahirap at komplikado ang kasong ito.

Samantala, bukod dito ay patuloy naman ang panawagan ng mga otoridad sa lahat ng may alam at impormasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero na agad na makipag-ugnayan sa kanila para sa mas mabilis na pagresolba dito.

Kung maaalala, ang panibagong development sa kasong ito ng pulisya ay mula noong mapasakamay ng mga otoridad ang isang secret cellphone video kung saan makikita ang nasabing mga suspek na kinilala bilang sina Julie A Patidongan (Dondon) at alyas John Doe na kasamang naglalakad ang nakaposas na si Michael Bautista na isa sa mga nawawalang sabungero.